Sa bawat pag-angat ng kamay
upang mailipat ang mga pahina, bagong pangyayari ang sasambulat sa iyong mga
mata. Sa bawat pag-angat ng daliri upang masilayan ang sumusunod na parte,
panibagong bahagi rin ang iyong matutunghayan. Dalawang magkaibang kasangkapan
na nagbibigay ng magkatulad na silbi, ngunit sa kung paanong paraan nila ito
ginagawa, silang dalawa ay higit na magkaiba.
Kasabay ng pag-usad ng panahon at
pag-unlad ng teknolohiya sa mundo ay ang pagtutunggali ng mga bagay na nakasanayan
at ng mga bagay na panibago. Hindi lumilipas ang isang buwan na walang bagong
produktong inilalabas ang napakaraming kompanyang panteknolohiya. Kaakibat nito
ay ang lumalakas na interes ng mga tao na magkaroon ng mga bagay na ito.
Dahil sa paglakas ng internet, mistulang hangin na lamang ang
naglilipanang mga babasahin sa kompyuter. Iilang pindot lang, kaunting hintay, at nasa harap mo na
agad ang literaturang nais mong basahin. Idagdag pa sa kaginhawaang ito ay ang
bahagya lamang na pagpapagalaw ng daliri upang makalipat sa susunod na pahina. Sa
modernong panahon, na panahon rin ng mga kompyuters at iba’t ibang bersyon
nito, na panahon rin ng mga makabagong tao, may puwang pa kaya ang inimprintang
aklat sa mga kamay natin?
Bata pa man ako noon, madalas ng
sabihin ng aking mga magulang ang karunungang naidudulot ng pagbabasa. Dahil sa
paniniwalang ito, sa murang edad ay nahimok nila akong gawing hilig ang pagbubuklat
ng aklat. Sa pagdaan ng mga panahon, mas lalong nagiging malapit sa aking puso
ang pagbabasa. Bihira ang mga buwan na wala akong aklat na pinagsisikapang
tapusing basahin. Kinahiligan ko ang mga kwentong pantasya, mga klasikong
pambata, mga klasikong pangmatanda, kwento ng pag-ibig, hustisya, pilosopiya,
at maging sikolohiya. Ngunit habang tumatanda ako, nadadagdagan din ang mga
bagay na kakompetensiya ng pagbabasa. May panahong naging mahirap sa akin ang
pagpunta sa tindahan ng mga aklat para makabili ng mga bagong babasahin. Kahit
ang paglalakad patungo sa silid aklatan ng aming bahay ay naging pasakit rin.
Masyado akong naakit sa kaginhawaang naidudulot ng kompyuter at internet. Sa
halip na kumuha ng libro at suriin ang bawat pahina nito, google nalang ang pinupuntahan ko.
Dahil sa kakulangan ng panahon
para maglakadlakad sa aklatan at maghanap ng literaturang gusto kong basahin,
agad-agad ko na lamang itong hinahanap sa internet. Pagdating sa internet,
itatype ko nalang sa keypad ng aking
kompyuter ang titulo ng aklat na hinahanap ko. Pagkapindot ng “search” ay agad
kong nakikita ang elektronik na bersyon ng aklat na nais ko. Doon lalabas ang
pagkadami-daming resultang maaaring pagpilian. Iilang pindot pa at agad kung nadadownload
ng walang bayad ang babasahing ninanais ko. Ngunit, hindi sa lahat ng
pagkakataon ay libre akong nakakakuha ng elektronik na bersyon ng aklat na
gusto ko. May mga pagkakataon na may bayad ito. Kahit na may kamahalan para sa
isang aklat na hindi naman nahahawakan, naakit pa rin akong bumili sa ganitong
paraan sapagkat hindi ko na kailangang lumabas ng bahay. Ang madalas kong gawin
ay ang makisuyo gamit ang credit card
ng mabait kong kapatid na hilig rin ang pagbabasa.
Pagkatapos kong madownload ang
aklat na gusto ko, kampante na ako na walang ibang makakakuha nito sapagkat
ligtas itong nakatago sa aking kompyuter. Kahit anong oras at panahon, maaari
ko itong buksan upang basahin. Hindi ko na kailangang maghanap pa kung
saan-saan sapagkat nasa isang lugar lang naman ito—sa aking kompyuter. Kapag ako’y nakahanda na para sa isang
mahabaan at matagalang pagbabasa, maliban sa aking mga mata, daliri ko na
lamang ang aking ginagamit sa paglilipat ng pahina. Hindi katulad sa aklat na
kailangan pang hawakan ng mahigpit ang kabilang bahagi para lamang baligtarin
ang pahina.
Sa pagbabasa sa kompyuter, hindi
na kailangang magtiyaga sa maliliit na sulat. Dito, maari ng baguhin ang laki
ng mga letra upang mas madali itong mabasa. Sa proseso ng pagbabago ng laki ng
mga ito, daliri rin lang ang kailangang galawin. Hindi katulad sa mga librong
nakaimprinta sa papel na kailangan pang gamitan ng lente para lumaki ang itsura
ng mga titik; isang napakalaking kaginhawaan ang naidudulot ng pagbabasa sa
kompyuter.
Maliban sa kakayahan nitong
baguhin ang laki ng mga titik, ang kompyuter ay may kakayahan ding magbigay ng
angkop na liwanag para sa aking pagbabasa. Hindi ko na kailangan ang
dekuryenteng ilawan sa ganitong uri ng pagbabasa sapagkat may palagian ng ilaw
ang kompyuter. Sa ganitong paraan, nakakabawas ako sa aming bayarin para sa
konsumo ng kuryente.
Bukod sa ginhawang nadadala ng
kompyuter sa aking pagbabasa, malaking kaluwagan din ang silbi nito pagdating
sa pag-iimbak ng mga babasahin. Hindi ko na kailangang pagsiksikin sa aming
aparador ang mga aklat na nabasa ko na. Sa elektronik na bersyon ng aklat,
madali itong naitatago sa kompyuter. Pagdating naman sa paghahanap, iilang
pindot rin lang ay agad-agad itong lalabas.
Ibang-iba sa inimprintang libro,
ang elektronik na bersyon ng aklat ay maaring maipamigay sa kahit na sino.
Gamit ang isang Universal Serial Bus (USB) flash drive, maaari nang makapamigay
ng libreng kopya ng aklat sa kahit na ilang kakilala. Hindi katulad ng isang
papel na libro na maaari lamang ibigay sa iisang tao.
Ang mga kombensyong naidudulot
ng pagbabasa gamit ang kompyuter ang higit na humatak sa akin na huwag pansinin
ang mga nakaimprintang libro. Ang mga ito ay masyadong mabigat, masyadong
makapal, masyadong maliliit ang sulat, masyadong madilim ang papel, masyadong
mahirap imbakin, masyadong mahal, at higit sa lahat, masyadong
nakakapanghinayang para sa isang beses na pagbabasa. Bigla-bigla, dahil sa
pagkamulat ko sa mga bagay na naidudulot ng teknolohiya, masyadong naging
masyado ang aking pagmamaliit sa mga nakalimbag na libro. Ang mga papel na
katulad nila ay nagmistulang ordinaryong parte na lamang ng aking
nakakapangyamot na kapaligiran. Ngunit dumating ang araw na hinding-hindi ko
inaasahan. Sa araw na iyon, nasira ang pinakamamahal kong kompyuter. Sa isang
iglap, nabura lahat ang aking mga elektronik na libro. Ganoon na lamang ang
aking panghihinayang sapagkat hindi ko na maipapamana sa kahit na sino ang mga
aklat na minsa’y kinahiligan ko. Nasayang ang mga taong inilaan ko sa pag-iipon
ng mga ito.
Ang pangyayaring yaon ang naging
hudyat sa kusang pagpihit ng aking atensyon pabalik sa mga aklat na papel.
Mahigit dalawang taon na ang lumipas buhat nang mangyari ang kahinahinayang na
pangyayaring iyon, at ang pagkahumaling ko sa mga inimprintang libro ay
unti-unting nagiging isang adiksyon, kung saan, wala na akong naaaninag na
lunas.
Nagsisimula ang aking “high” sa
amoy pa lamang ng isang bagong aklat. Hindi tulad ng elektronik na bersyon nito
na kahit anong pagbalibaliktad ang gawin ko ay walang singaw na makakarating sa
ilong ko, ang inimprintang libro ay buhay na buhay sa pang-amoy ko. Ito’y
nagbibigay ng halimuyak ng tila nabubulok na kahoy. Hindi mabahong alingasaw
ang aking naaamoy, kundi para bagang pabango na tanging ang bagong aklat lang
ang mayroon.
Sa bawat pag-angat ng aking
kamay upang tumungo sa susunod na pahina, damang-dama ko ang kayarian ng papel
na ginamit para sa mga titik nito. Kahit may kahirapaan ang pagbabasa ng
malilit na letra, nakakadagdag ang sakripisyong ito upang mas lalo kong madama
ang bawat eksena sa aking binabasa. Dito ko mas lalong nabibigyang halaga ang
aklat, sapagkat ang pagkakahabi ng bahat pahina nito ay pinaghirapan, at bawat
isa nito ay dumaan sa isang naiiba at mahabang proseso. Sa pagdampi ng aking
mga palad sa pahina ng aklat, buhay na buhay kong nakakahalubilo ang mga titik.
Nararamdaman ng aking daliri ang latak ng tinta sa bawat salita. Medyo may
kamahalan man ang halaga ng nakalimbag na libro kaysa sa elektronik na bersyon
nito, ‘di hamak na mas sulit ang bayad ko sa aklat na nahahawakan ng mga kamay
ko. Wala man itong sariling ilaw na kagaya ng kompyuter, mas malaki naman ang
natitipid na kuryente ng paggamit ng pailawan kaysa sa magdamag na nakasaksak
na kompyuter. Idagdag pa sa hindi mabuting naidudulot ng pagbabasa gamit ang
kompyuter ay ang perwisyong dala nito sa ating mga mata. Ang paglalabas ng radiation mula sa monitor ng kompyuter ay nagiging sanhi ng pagkasira ng ating mga
mata, na kalaunan ay maaaring maging sanhi ng paglabo ng paningin.
Bagama’t may kahirapang imbakin
ang mga nakaimprintang libro, walang dudang mas matagal ang buhay ng mga ito
kaysa sa elektronik na aklat. Ang dahilang ito ay siya ring lohikang madalas
sabihin ng aking mga magulang noong ako’y nagsisimula pa lamang mawili sa
pagbabasa. Higit na mas maituturing na kayamanan ang mga librong nahahawakan
sapagkat bawat isa sa mga ito’y naging parte ng ating mga araw-araw. Sa aming
tahanan, naglaan na ng isang silid para sa mga aklat ang aking mga magulang.
Ngayon, tuwing magdaraan ako sa parteng iyon ng aming bahay, napapangiti ako’t
nagmamalaking, marami na akong naiambag sa aming koleksyon. Masarap sa
pakiramdam na nakikita ko at nahahawakan ang mga aklat na itinuturing ko na
ring kayamanan.
Higit sa pagkagalak na aking
nadarama ay ang kasiguraduhang maipapamana namin ang mga aklat na ito sa mga
taong magiging parte pa lamang ng aming buhay. Bagama’t hindi na ata
mapipigilan ang aking pagkahumaling sa mga inimprintang libro, natitiyak kong,
hindi nito kapantay ang pagsabay ko sa modernong panahon. Magbago man ang mga
bagay-bagay sa aking paligid, hangga’t may mga taong nais pa ring madama ang
kakaibang “tama” ng pagbabasa ng nakalimbag na aklat, mananatiling buhay ang
pagkahilig ko sa mga ito. At mananatili rin ang simpatiya ko sa mga aklat na
naaamoy, nahahawakan, naitatago, buhay na buhay.
No comments:
Post a Comment